Share Share on Facebook Tweet Send on Viber
(Photo courtesy of 日:Muramasa via Wikimedia Commons)
(Photo courtesy of 日:Muramasa via Wikimedia Commons)

Paalam, Aking Mahal

Pag-ibig ng aba ang ating nadarama,

Hindi ba’t nilalaro lang tayo ng tadhana?

Pag-ibig na nagsimula sa saya,

Ngunit natatapos ng takot at kaba.

 

Mga pangakong ating binitawan,

Hindi natupad, ni isa man.

Mga salitang iyong inalay,

“Mahal kita,” salitang nakamamatay.

 

Isang aksidente ang ating pagtatagpo,

Karanasang walang maipapayo.

Minahal kita nang buong buo,

Ngunit ni minsan ay hindi mo ako ginusto.

 

O, tadhanang mapaglaro’t tuso

Ano bang ginawa namin sa’yo

O, pag-ibig na dinarama namin,

Lumaho na, wala nang damdamin.

 

Ngunit, kahit kapaitan ang isinukli mo

Sa buong pusong pagmamahal na inialay ko sa’yo.

Kahit tuwing gabi akong umiiyak sa pagtulog ko,

Mga masakit na alaalang naaalala ko.

 

Kahit paulit-ulit mong sinaktan,

Ang marupok kong damdamin.

Sa tuwing nakikita kong masaya ka,

Sa piling ng ibang dalaga.

 

Ika’y aking patatawarin,

Ako ay magpaparaya na.

Hindi na ako mag-iipon ng galit at pait,

Hindi na kita guguluhin pa.

 

Pakakawalan kita

Dahil mahal na mahal kita.

At hangga’t masaya ka,

Magiging masaya ako para sa iyo.

Mahal kita, ito’y iyong tandaan.

At kahit ika’y aking pakawalan,

Mamahalin pa rin kita hanggang sa dulo ng mundo.

 

Habambuhay kang mananatili sa puso ko.

Salamat sa lahat ng iniwan mong aral,

Salamat sa lahat ng magagandang alaala.

Salamat sa oras na ibinigay mo sa akin.

 

Salamat dahil kahit pinaasa mo ako,

Pinatatag mo ako.

Paalam, aking pinakamamahal,

Nawa’y ikaw ay maging masaya.

 

Gianne Vera W. Ubalde is from Grade 10-Reverence of CCF Life Academy.

—–

Be seen. Be heard. Be read! Submit your written work, videos, photos, and artwork to MB Life via MB 360 for a chance to get featured on our website.

To know more about MB 360, visit this link.

Share Share on Facebook Tweet Send on Viber