Share Share on Facebook Tweet Send on Viber
(Photo courtesy of cdn.psychologytoday.com)
(Photo courtesy of cdn.psychologytoday.com)

Dalisay at wagas…nadamang pag ibig,

Paano kung mali…’yan ba’y mananaig,

Paano ang bukas…kung luha ang kapalit,

Sisikilin mo ba…o dadamhin ang sakit.

 

Tamang pag ibig…sa maling panahon,

Pagka’t minamahal…may asawa ngayon,

Anong magagawa…sa kanya umusbong,

Pihikan kong puso…siya ang ibinulong.

 

Sa tulad kong malayang…umibig sa bawal,

Tanong nama’y bakit…maraming di kasal,

Pagkat sa’ki’y dumating…ligayang kinakamal,

Sapul noong umibig…ngayon lang dumatal.

 

Inog nitong mundo…ay biglang nagbago,

Umusad ng matulin…dati’y kainip ito,

Malamlam na paligid…siglang bumalot dito,

‘Di mapapantayan…ng perang libu-libo.

 

Lubos na pag-ibig…sa kanya nadama,

Langit ang hantungan…ulap ang magdadala,

Umihip man ang hangin…sa ibang tahak mapunta,

Doon pa din sisimulan…langit naming dalawa.

 

Tamis ng pag-ibig…patuloy na nakakamit,

Siya lang at ako…sa aming daigdig,

Pag-ibig na bumalong…ngiting di mapagkit,

Sabihin mang bawal…di ko yan ipagpapalit.

 

Aanhin mo ang tama…at iyang matuwid,

Sa paningin ng lahat…ika’y humahagikhik,

Pagka’t tahak na daa’y…’kala’y walang tinik,

Ngunit pagsisisi…abot pala’y matarik.

 

Pag-ibig na bawal…madaling hanapin,

Ngunit ang mahirap…’yang wagas na ituturing,

Kaya kung wagas na…lumukob sa damdamin,

Bawal ba ang magmahal…at ang ika’y mahalin.

 

Dalisay ang tawag…kung pagmamahala’y tapat,

Kahit na di pwede…kung sa kanya nalasap,

Buong pagkatao ko’y…sa kanya ng lahat,

Aanhin ang tama…kung puso’y di busilak.

 

Kahit na pigilan…sumibol sa damdamin,

Iyan ngang pag ibig…kahit kanino dumating,

‘Di nga ba ang sabi…lahat ay hahamakin,

Bawal man o hindi…puso pa rin ang susundin.

 

 

—–

Be seen. Be heard. Be read! Submit your written work, videos, photos, and artwork to MB Life via MB 360 for a chance to get featured on our website.

To know more about MB 360, visit this link.

Share Share on Facebook Tweet Send on Viber